Tuesday, May 30, 2017

THE PERKS OF BEING A WALLFLOWER



30-Day Film Challenge

Day 24 - My 'perfect date' film

THE PERKS OF BEING A WALLFLOWER

Napanood ko lang 'to sa DVD nung 2012, hindi sa sinehan pero kung may ka-date lang siguro ako noon, ito ang 'perfect date' movie for us.

Sobra akong naka-relate sa kuwento ng mga struggling teenagers dito. Yung naranasang depression ng bidang lalaki, yung pagiging outcasted niya sa school, at 'yung pagiging aspiring writer niya. Akong-ako nung high school. Plus meron pang isang karakter sa movie, na tulad ko rin noong high school, merong sexual identity problem, hindi mailantad ang pagiging bakla. Idagdag mo pa ang numa-90s soundtrack. Saktong-sakto sa tulad kong napapagitnaan ng Gen X at millennials generation. Bago kayo magtaas ng kilay dyan, Ipinanganak ako nung 1980, kung kailan natapos ang Gen X at a year later, nagsimula na ang Millennials generation.

Favorite ko dito 'yung eksena sa Homecoming event kung saan nag-effort si Logan na maka-jive sa dance floor sina Emma at Ezra habang pinatutugtog 'yung Come On Eileen. Pumantay ito sa kilig na naramdaman ko noon sa pelikulang Casper, nung bumababa ng hagdan si Devon Sawa at inimbitahan niyang sumayaw si Cristina Ricci. Ganung feels! Nakakakilig!

Andaming teenagers/young adults ang makaka-relate dito. Very positive ang iiwanang insight nito sa manonood. Tinuturo ng pelikulang ito sa mga outcasted teenagers na may puwang ka sa school kung saan ka nag-aaral. Ang dapat mo lang gawin ay hanapin kung saan ka nababagay at kung saan ka tatanggapin.

Top 2 ko ang Never Been Kissed starring Drew Barrymore.

Top 3 ko ang Cruel Intentions, ang pelikula ni Reese Witherspoon kung saan ko siya unang nagustuhan.

INTERSTELLAR

30-Day Film Challenge

Day 23 - The “smartest” film i've seen

"INTERSTELLAR"

Ito ang pelikulang pinaka-nagpaalog ng utak ko pero nagustuhan ko. Nasusundan ko pa siya until dumating 'yung third act e. Mindfuck movie. Isang sci-fi movie na may simpleng tema ng power of love between a father and his daughter na kinomplicate ng interpretasyon ng direktor nitong si Christopher Nolan.

Hindi ko nakuha 'yung ending! Nang mag-roll ang closing credits, napatanong ako sa sarili ko: "Ganito na ba ako kabobo after kong maospital at hindi ko naintindihan 'yung ending?". Kaya bigla akong napa-Google about Solar System. At nagbasa ng about sa black hole, time travel at parallel universe only to understand the ending of this film.

Naintindihan ko na siya after. At na-appreciate ko 'yung film at brilliance ni Nolan.

Pero after two years, hindi ko na siya ma-i-explain now. Naglaho na 'yung napag-aralan ko sa storage ng tamad kong utak.

Top 2 ko 'yung The Arrival na isa ring nagpa-panic ng brain cells ko. Refreshing sa akin 'yung kakaibang paglalahad ng story.

Top 3 ko 'yung Memento ni Nolan pa rin na nagpa-stressed ng mind ko dahil sa backward storytelling na minsan ko lang mapanood sa isang pelikula. Na nabigyan ni Nolan ng hustisya.

Honorable mention, Momzillas.

Monday, May 29, 2017

MAC AND ME



30-Day Film Challenge

Day 22 - A film from your childhood

MAC AND ME

Marami ang nagsasabing rehash daw ito ng ET. Sa totoo lang, mas nagustuhan ko nga ito kesa sa E.T. Hindi dahil sa mas nauna ko 'tong napanood kesa sa ET nung bata ako, mas nag-enjoy lang ako sa kuwento ng bata at pamilyang alien dito. Aside kasi sa temang friendship at return to family na meron ang ET, mas nag-iwan ng marka sa akin ang touching na kuwento ng Mac And Me na meron ding tema ng acceptance sa bandang dulo ng movie. Na ang universe ay hindi lang para sa tao noh. Na kahit alien ka, may puwang ka sa mundo.

One of the best theme songs ever... Take Me, I'll Follow! Nakakaiyak.

Tumanda na nga lang ako sa kahihintay sa ipinangako nitong Part 2 sa dulo e. Hindi na nag-materialize.

Top 2 ko 'yung Howard The Duck.

Top 3 ko 'yung Short Circuit.

Saturday, May 27, 2017

THE NEVERENDING STORY

30-Day Film Challenge

Day 21 – The film that should have never had a sequel

“THE NEVERENDING STORY”

Ito ang pelikulang bumuhay ng malikot kong imahinasyon. Nang mapanood ko ‘to nung elementary ako, napaniwala niya ako sa Magic at sa ibang mundo tulad ng Fantasia. Naniwala ako na merong higanteng asong lumilipad (at nangarap na magkaroon nito), ng higanteng taong bato, ng higanteng pagong. Naniwala ako na merong prinsesa tulad ng Childlike Empress sa ibang mundo at nagfeeling na maging siya. Kapag walang tao sa bahay, pumupunta ako sa harap ng salamin, binibigkas ang “Bastian, please… Save us!” habang nakapulupot sa noo ko ang gold necklace ng mommy ko. At with matching pagluha din ‘yun.

First time kong nagka-crush sa bidang lalaki, hindi kay Bastian, kundi kay Atreyu. Feeling ko, ipagtatanggol niya ako sa lahat ng mga kakalaban sa akin. Kaya nga nang lamunin ng kumunoy ‘yung kabayo niya, nakisimpatya ako sa kalungkutan niya. Naiyak ako. At saka ako nagkaroon ng phobia sa kumunoy. Dun nagstart ‘yung binabangungot ako sa lumulubog na kumunoy.

Naalala ko, nung Grade 4 ako, gumawa ako ng NeverEnding Story book. Nakakita kasi ako ng malaking libro na katulad ng nasa movie tapos nilagyan ko ng design na ahas na pabilog ‘yung cover. Tapos binudburan ko ito ng sandakot na silver glitters.

Sa harap ng bahay namin, pinatong ko ‘yun sa monoblock chair at sinilip ko sa bintana kung sino ang makakapansin nun. Nag-imagine ako, kung sino man ang unang makakadampot nun ay hihigupin ng libro at mapupunta sa mundo ng Fantasia.

E walang pumansin. Dedma ang mga kapitbahay sa Joni’s version ng NeverEnding Story book. Namuti lang ang mga mata ko sa kahihintay. So nag-one day showing lang siya.

Ito ang pelikulang pinagkopyahan ng Once Upon A Time ni Dolphy. At ng Magic Kingdom series nina Peque Gallaga at Lore Reyes.

Pati ‘yung theme song nito, kapag naririnig ko pa rin ngayon, bigla akong bumabalik sa moment ng pagkabata at nagsu-switch on ang moments ko watching the film.

Kaya nga nung nabalitaan ko ‘tong may sequel at ang bida pa man din e ang crush ng bayan nung 90’s na si Jonathan Brandis, e hinintay ko ang release nito sa Betamax. Kaso kumain ng taon ang paghihintay ko at lumabas na ito sa panahon ng VHS. At nang mapanood ko na ito, super doper disappointed ako. Nakakapagtampo.

Kasi bukod sa tumanda ng ilang taon ‘yung mga bida/characters. Parang hindi na sila. Si Childlike Empress naging kinky ang buhok at papuntang Chucky doll na! Nagpakulot ang bruha. May parlor sa Fantasia!

At parang di naalagaan si Falkor. Nagmukhang asong kalye!

Ang kapal ng mukha ng producer nito para maki-ride sa isang napakagandang pelikula. Ganun nga, parang gusto lang kumita ng producer at nag-compromise sa quality.

Nakasimangot talaga ako the whole day after ko itong mapanood. Sinira nitong sequel ang magic nung original film. Wala sa kalingkingan ng sequel ang 1984 version nito. Hindi nabigyan ng hustisya!

At nanganak pa ito ng part 3. Siyempre, this time, nagbabakasakali akong babawi at baka kasingganda na ito ng original. So first day of showing, pinanood ko ‘to sa sinehan. At gusto kong sunugin ang sinehan sa sobrang disappointment ko. Parang episode ng Okay Ka Fairy Ko ang buong pelikula! Hindi lang ‘yung story at effects, mas pumangit pa lalo si Falkor! Naging malnourished!

To all my millenials blog readers, I suggest you watch this film. Ito ang Harry Potter namin nung 80’s. Yung part 1 nga lang ang maganda.

Sana magkaroon na ‘to ng remake. Exciting na mapanood ‘to sa IMAX 3D.

Friday, May 26, 2017

THE DANISH GIRL




30-Day Film Challenge

Day 20 - My favorite quote from any film

THE DANISH GIRL

“I love you, because you are the only person who made sense of me. And made me, possible.”

At kasama ko pa ‘yung partner kong manood nitong film na ‘to kaya saktong-sakto ‘yung dialogue sa gusto kong sabihin sa kanya.

Thursday, May 25, 2017

MRS. DOUBTFIRE

 30-Day Film Challenge

Day 19 – The funniest film I’ve ever seen

MRS. DOUBTFIRE

Ilalagay ko sana dito ‘yung ‘The Adventures of Priscilla: Queen of the Desert’ kaso nailagay ko na siya under ‘The film that makes you happy’ category. Kaya itong movie na lang na ‘to na for as long as I can remember e, ‘yung kauna-unahang pelikulang sumakit ‘yung tiyan ko sa katatawa sa loob ng sinehan, Mrs. Doubtfire.

Naalala ko, kasama kong nag-cutting class ‘yung pinsan ko noong high school kami para pumunta ng kabubukas lang na SM Megamall noon at manood ng sine. Tapos, itong movie na ‘to ang pinanood namin.

Gawa ng 14 years old lang ako noon at hindi pa ganun kalawak ang database ng napanood kong comedy films e tawang-tawa ako sa mga simpleng eksena dito. Tulad ng sinubsob ni Robin Williams ‘yung mukha niya sa cake sa loob ng refrigerator para di mabuking o ‘yung nahuli siya ng anak na binata na umiihi ng nakatayo sa CR, ‘yung first day niya bilang nanny sa bahay ng ex-wife niya tapos alam na niya kung saan nakalagay ‘yung mga utensils sa kitchen at ‘yung riot na pagsagip niya sa boyfriend ng ex-wife niya sa restaurant nang ito’y mabulunan. Sumakit talaga ‘yung tiyan ko sa katatawa dun sa eksenang ‘yun to the point na maglupasay ako sa sahig, literal.

Nang mapanood ko nga ito ulit lately, natawa pa rin naman ako pero hindi na ganun tulad nung napanood ko ito noon sa sine. Ganun yata talaga, kapag bata ka pa lang, e mas mababaw ang kaligayahan mo.

Top 2 ko, WHITE CHICKS. Naiyak ako sa katatawa. Concept pa lang na dalawang negro na nagpanggap na mga babaeng puti, havey na.

Top 3 ko, THE BIRDCAGE. Another Robin Williams starrer. Kakadownload ko lang nito last year sa torrent. Ito pa lang ‘yung napanood ko lately na nakapagpatawa sa akin.

Honorable mentions ko ang GIRL, BOY, BAKLA, TOMBOY ni Vice Ganda, ‘yung JACK En POY ni Marya at ni Roderick Paulate at ‘yung indie film na JUPIT starring Ate Gay. Super baklaan to the fullest.

Common denominator ng lahat ng paborito kong funny films? Gender-bender films or di kaya, ‘yung merong tema ng Transvestism or ang bida e mga transvestites (mga lalaking nag-bibihis babae).

Palagay ko, nag-ugat ‘yung taste ko for comedy sa mga napanood kong Miss Gay contest sa barangay namin nung grade school ako. Yung mga mukhang boksingerong candidates na naka-swimsuit tapos pinakikilala ng mga host sa pangalan ng mga artista. Instead na VINA MORALES, BINIYAK MORALES. Tapos instead na magalit ‘yung beki candidate e super confident pa siyang magka-catwalk sa stage. Larung-laro! At tawang-tawa ako dun.

So everytime na meron akong nababalitaang pa-Miss Gay ang barangay namin, hindi ko talaga pinalalagpas.

Ganun na ang naging pamantayan ko ng comedy.

Pero don’t get me wrong ha. Baka sabihin ng iba na ang babaw ng taste ko sa comedy films o Naa-appreciate ko rin ‘yung mga smart/clever comedy films like The Interview starring James Franco at Lady Killers starring Tom Hanks o ‘yung mga gaguhang comedy films (The Hangover, Dumb and Dumber).

Hindi naman nakakahon sa ganung tema ang pinanonood kong mga comedy films..

Mas dig ko nga lang ‘yung mga baklaang pelikula.

Monday, May 22, 2017

VICE GANDA MOVIES

30-Day Film Challenge

Day 18 - My “guilty pleasure” film

"Any Vice Ganda Movie"

Kahit na sinasabi ng iba na mababaw ang mga pelikula ni Vice Ganda at puro kabaklaan e pinanonood ko pa rin ito sa sinehan at, inaamin ko, nag-e-enjoy ako.

Hindi mababaw ang kaligayahan ko pero napapatawa niya ako to the point na sumasakit na 'yung tyan ko.

Siguro 'yung offensive humor niya ang havs sa akin.

E study says that people who enjoyed offensive humor are more intelligent daw.

Pak!

Sunday, May 21, 2017

CICADE DE DEUS (CITY OF GOD)

30-Day Film Challenge:

Day 17 - The film that not only changed the way i saw cinema, but the way i saw the world

Cicade de Deus (City of God)

I was 23 years old then when I first saw this Brazilian film. Literally, I was blown away by it.

For the first time, na-appreciate ko ang tema ng drug-dealer/gang war movie at ang use ng handheld camera work sa pelikula. Based ang story sa totoong buhay kaya makatotohanan ang atake ng director dito. Eye-opener ‘to sa akin kasi kung inakala kong malala na ang kundisyon ng squatters area sa Pilipinas, nang mapanood ko ito, nagmukhang pabebe lang ang Tondo sa setting ng pelikula sa Rio de Janeiro, Brazil. Kung saan, parang normal na lang ang patayan araw-araw dahil sa labanan ng mga gang dahil sa droga. Kaya normal na lang ang merong baril. Kahit bata pa lang, armado na. Imagine, isang komunidad na merong sandamakmak na Asiong Salonga. Ito ‘yun.

Dito yata ginaya ‘yung pelikulang Engkwentro ng Cinemalaya noon e.

Watch mo ito. Mapapaisip ka, mas suwerte pa pala na dito ka sa Pilipinas ipinanganak at lumaki compare sa mga batang lumaki sa Brazil, kung saan never mong mararanasan ang makaramdam ng salitang ‘safe’. Normal ang violence. Napaka-peligroso. Madugo. Brutal.

Ito ay isang pelikulang punum-puno ng grit.

I was deeply moved by this film.

Friday, May 19, 2017

ARGO



30-Day Film Challenge
 
Day 16 - The best political film

“ARGO”

Tungkol ito sa CIA Agent na nagpanggap na producer ng Hollywood science fiction movie at pumunta ng Iran para magkunwaring mag-i-scout ng locations para sa ipo-produce niyang movie pero ang totoong misyon niya e i-rescue ang bihag na anim na Amerikano sa Tehran sa kasagsagan ng U.S Hostage Crisis noong 1980.

Ito pa lang ‘yung pelikulang literal na nagpaihi sa akin at nagpaangat ng puwet ko sa isang eksena dahil sa suspense. At ito yung eksenang patakas na sila sa Iran papuntang Airport. Nagpawis talaga ako ng tae sa eksenang ‘yun dahil sa sobrang kaba. Baka kung sa sinehan ko pa ito napanood e lalabas akong naka-stretcher dahil sa pagkahimatay.

Top 2 ko ‘yung Before Night Falls – tungkol sa isang episode ng buhay ng Cuban poet at novelist na si Reinaldo Arenas. Ewan ko lang kung matatawag ba itong political film or mas biographical film?

Top 3 ko ‘yung A Dangerous Life, ‘yung Australian TV- movie noon about the fall of Marcos administration at EDSA Revolution na produced ng BBC. Bata pa lang ako nang ipalabas ito sa TV at dahil sa pelikulang ito kaya pinangarap ko ring maging isang news reporter.

Honorable mention ko e ‘yung MILK (starring Sean Penn) tungkol kay Harvey Milk, ang gay activist na kauna-unahang na-elect na baklang opisyal sa California.

Monday, May 15, 2017

A WEREWOLF BOY

Reactivating my 30-Day Film Challenge na biglang naudlot ang pagsasa-ere sa di ko malamang kadahilanan...

Eto na...

Day 14 - The most beautiful scene in any film

The ending scene of the korean film 'A Werewolf Boy'. Kung saan, binalikan ng bidang babae (na ngayon ay lola na) 'yung dating kuwarto na nagsilbing kulungan ng taong lobo na na-in love sa kanya at nadatnan niya pa rin ito doon, hindi tumanda, hindi nagbago, naghihintay sa kanyang pagbabalik kahit halos apat na dekada na ang nagdaan. Yung eksenang 'yun ay pagpapatunay na merong forever. Na ang tunay na pag-ibig ay maghihintay gaano man katagal at never itong magbabago.

Balde ang iniluha ko sa eksenang ito. Napahagulgol ako, hindi dahil sa lungkot kundi dahil sa saya kasi gustung-gusto ko 'yung mga pelikulang may temang 'One Great Love' tapos happy ending. Napakagandang eksena!

My all-time favorite korean film, 'A Werewolf Boy'. Unang pelikula 'to ni Song Joong Ki ng Descendants of The Sun. At ito ang sumira ng Box Office Records sa South Korea noong 2012. Mas maganda ito ng milya-milya sa Twilight ng Hollywood.

Top 2 ko 'yung train station scene sa The Hours.

Top 3 ko 'yung ending scene ng Malena.

Friday, May 12, 2017

BLISS

Just got home from watching BLISS.

Nasorpresa ako sa pelikula. Hindi ko aakalaing kaya na nating makapagproduce ng ganito kaganda’t katalinong psychological thriller. Hindi lang tayo pang poverty porn or celebration of the human spirit films, pati psychological thriller, kaya na.

Pinanganak na ang Takashi Miike ng Pilipinas. At ‘yan e sa katauhan ni Jerrold Tarog.

May feels and tone ng mga pelikula ni Miike itong BLISS. Yung camera works, story at editing kung saan di mo ma-distinguished kung alin ang totoo sa dream sequence at paranoia. Creepy and claustrophobic.

Ang lupet!

Itinaas ni Tarog ang antas ng Pinoy Thriller genre.

The last psychological thriller na nagustuhan ko e Tagos Ng Dugo pa ni Direk Maryo J. De Los Reyes. Tapos, pumantay nga itong BLISS.

To-die for ang role dito ng lesbiyanang nurse! Napaka-challenging at binigyan ng hustisya ng baguhang aktres.

At hindi nasayang ang breast exposure ni Iza Calzado dito. Maipagmamalaki niya ito!

Kaya, highly-recommended ko itong film na ‘to sa mga naghahanap dyan ng quality Filipino film. At para sa mga mahihilig dyan sa psychological thriller like me, watch niyo ‘to. Go, habulin niyo sa sinehan bago man lang mag-pullout sa mga theaters. Kasi sa first day nga, sa last full show, e nasa sampu lang kaming moviegoers.

Support this film para naman ganahan pa si Jerrold Tarog na gumawa ng ganitong klaseng pelikula.

Unang Filipino film na pinalakpakan ko this 2017. Kudos!

Thursday, May 4, 2017

VANILLA SKY

30-Day Film Challenge:

Day 13 - A film that i totally didn't "get"

"Vanilla Sky"

Ito 'yung pelikula nang matapos at mag-roll ang closing credits e napa-WTF talaga ako sa sinehan. Natulala ako sa kamangmangan. Feeling ko, ambobo-bobo ko at di ko talaga nakuha 'yung buong pelikula. To think, na drama film lang naman ito. At hindi naman ako puyat nang pinanood ko 'to.

Literal, hindi ko siya naintindihan.

Puwede ko pang mapalampas 'yung Interstellar o Memento ni Christopher Nolan e. Kasi yung una, kinailangan kong magbasa about solar system at black hole after ko siyang mapanood para maintindihan ko. Yung Memento naman e tututukan mo talaga kasi pabaliktad lang 'yung paglalahad ng kuwento.

Pero itong Vanilla Sky e parang sinulat ng adik.

I know, it was a hollywood remake of a french film. Ganun din kaya 'yung original?

Hindi naman convoluted 'yung plot pero isa itong pelikulang ayaw magpaintindi. Pwe!

#NanggigigilAko

Tuesday, May 2, 2017

PSYCHO


30-Day Film Challenge:

Day 12 - The best horror film

PSYCHO (1960/Dir. Alfred Hitchcock) –

perfect horror movie for me. Nandito na lahat: superb acting, topnotch directing, excellent cinematography, powerful and memorable sound design. Pure suspense, blood and gore in black and white!

Ilang beses ko na 'tong inulit-ulit and it still fascinates me.

Monday, May 1, 2017

LEGALLY BLONDE



Day 11 - A film with your favorite actor/actress

"Legally Blonde"

Starring Reese Witherspoon, my favorite Hollywood actress, kung saan pinatunayan niya na puwede rin siyang isabak sa comedy, hindi lang pang serious o drama.

Pinakita niya dito na ang hugis ng mukha ay hindi basehan para ipakita ang pagiging versatile actress. Kahit Piattos ang hugis ng mukha niya, bumawi naman siya sa acting at sa charm.

13 REASONS WHY


 
Nitong mga nakalipas na araw, palagi kong nae-encounter dito sa newsfeed ko ang tungkol sa 13 Reasons Why TV series. Kaya na-curious ako, I downloaded it sa torrents online nung isang araw. At katatapos ko lang ng episode 2 ngayon.

Taena, ito ‘yung tipo ng TV series na ka-a-adikan kong panoorin noong high school ako. Pasok na pasok siya sa panlasa ko. May feels siya ng favorite kong young adult novel series na Fear Street ni R.L Stine na kinababaliwan kong basahin noong high school ako. To the point na hindi ako kumakain sa recess para lang makaipon ng pambili ng book nito sa National Bookstore na halos monthly e may bagong title na lalabas.

Kung ang Fear Street ay tungkol sa mga estudyante ng Shadyshide High na merong sino-solve na murder mystery, whodunit na pang-teenager ang peg, ito namang 13 Reasons Why ay isang suicide-mystery. Sinu-solve kung sino ang salarin or kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay ni Hannah Baker kung saan ang mga suspect ay mga ka-schoolmates niya. At mukhang nasa kamay ng bidang si Clay, ang kaibigan niya, ang ikalulutas ng misteryo.

First time ko lang napanood ito sa isang TV series, na ang handle e suicide-mystery kaya refreshing siya.

Gustung-gusto ko ‘yung ganitong klase ng mga palabas e. I’m more of a ‘feeler’ kesa ‘thinker’. Mas dig ko ‘yung mga palabas na mag-iiwan sa akin ng marka sa puso o maglalaro ng damdamin ko kesa sa mga palabas na pinag-iisip ako. Mas namu-move ang sensibilities ko pag puso ang pinupuntirya sa akin.

Kaso ang bigat ng tema nitong 13 Reasons Why: Rape and Suicide. Kaya hindi ko ito magawang i-binge-watching o ‘yung isang upuan lang e makakailang episodes na ako tulad ng ginawa ko sa LOST, The Walking Dead at Stranger Things noon. Kailangan kong huminto kada episode at para meron akong pinanonood araw-araw, isang episode kada isang gabi. Kailangan kong huminga.

Sa mga mahihilig diyan sa mystery drama like Twin Peaks, ito ang millenials version niya.

Sa mga nakapanood na sa inyo, no spoilers please.

Hindi ito para sa mga taong nasa stage of depression or ‘yung may suicidal tendencies. Makakadagdag lang ito ng bigat ng dibdib niyo.