Tuesday, November 22, 2016

THE UNMARRIED WIFE


Hindi ako nagka-interes na panoorin ‘yung The Unmarried Wife kasi base sa trailer niya, walang bago akong nakita. At saka, feeling ko, hindi nito mapapantayan ang ultimate favorite kong kabet-movie, ang No Other Woman.

Pero dala ng pang-eengganyo ng isang kaibigan na panoorin ko kaya kanina e pinanood ko na.
At nagustuhan ko siya. Mas maganda ‘yung movie kesa sa trailer. Mukhang hindi inilabas ng Star Cinema sa trailer ang lahat ng malulutong na dialogue at mga supporting characters kasi giveaway na rin ‘yon sa takbo ng kuwento.

(SPOILER ALERT)

Para siyang pelikula ni Maricel Soriano or ni Zsa Zsa Padilla o ni Maricel Laxa noon sa Regal Films. Yung mga melodrama noong 80s at 90s na sa pagrolyo ng ending credits e patutunugin ‘yung tagalog theme song ng movie. Ganung vibe!

Pinakapaborito ko ito sa lahat ng pelikula ni Angelica Panganiban. Siya ‘yung tipo ng babae na sa isang sulimpat lang niya, e makikita mong may binabalak o pinaplano pa rin siyang hindi maganda laban sa’yo. Restraint acting ang pinakita niya dito. Yung tipong mararamdaman mo sa buong pelikula ‘yung kinikimkim niyang sama ng loob. Si Maricel Soriano lang noon ang nakikita kong artistang kaya ‘yung ganoong atake. Yung tipong kung makatingin ay hindi padadaig kahit kanino. 

Kumbaga, kilay pa lang niya e nagsasabi na ng “Hindi kita mapapatawad.” kaya hindi mo mabibitawan ang mga eksena niya.

Tamang-tama ang timpla ng buong pelikula. Hindi kulang. Hindi sobra.

Malulutong na dialogue. Check!

Sampalan. Check!

Flooring (‘yung subtle na paglulupasay ni Angelica sa floor habang humahagulgol). Check!

Basagan ng gamit (dalawang beses na nagbasag ng bote si Angelica sa buong pelikula). Check!

Iyakan. Check!

Confrontation scenes (pero hindi nagsampalan, nagpalitan lang ng maanghang na kudaan). Check!

Bagong interpretasyon ng infidelity movie. Check!

Binaligtad ng writer ‘yung sitwasyon: What if sa half ng movie e ‘yung legal wife e maging kabit sa relasyon ng iba? Makakarelate ba siya sa pakiramdam ng mga naging kabit ng asawa niya? Paano niya haharapin ang scenario?

At ang pinakanagustuhan ko sa story e ‘yung eksenang pagka-kapatawaran between Angelica and Denise Laurel at between Angelica and Dingdong sa ending.

At least, may remorse!

Kasi ayan naman ang dahilan kaya nagkakaroon ng broken family e, matataas na pride sa panig ng mga babae. Once nahuli na nilang nangbabae ang mga asawa nila, kesehodang maglumuhod pa si lalaki sa paghingi ng sorry, hindi nila binibigyan ng second chance.

At dahil ‘yan sa taas ng pride.

Kaya kahit kailan ay hindi nalaos ang infidelity movies dahil sa dami ng babaeng nakakarelate sa story, ‘yung mga babaeng ang tataas ng pride.

At ‘yun ang itinuturo ng pelikulang ito, ang babaan ang pride alang-alang sa anak, sa relasyon at sa pamilya.

Yung iba kasing babae d’yan, mahuli lang ng isang beses ‘yung karelasyon nila na nambabae, hindi lang keps ang sinasarado, e pati isip at puso, kinakandado. Wala sa bokabularyo ang salitang “kapatawaran”. Adulterer deserves second chances. Kung mahal mo pa, bigyan mo ng pagkakataon na bumawi at magbago.

Kaya sa mga babae diyan na nakaranas na ng pangangaliwa ng asawa, para sa inyo ito. Makakarelate kayo dito. Habulin niyo sa sinehan bukas, mukhang magse-second week ito sa dami ng nanood na mga madir kanina kasama ang kanilang mga asawa.

Para sa mga becoming “ahas” or ‘yung mga napipintong homewrecker, watch niyo na rin ‘to at (medyo pahaging lang) parang nanood kayo ng film version ng manual na “How Not To Be A Bes”.

At para rin ito sa mga lalaki diyang nangaliwa ng asawa. Tuturuan kayo ni Dingdong Dantes dito kung paano ma-win back para mapatawad ng inyong legal wife.

Iyon ay sa pamamagitan ng salitang 'effort'.

#TheUnmarriedWife

Wednesday, November 16, 2016

MISS SAIGON

Year 1990 nang manalo si Lea Salonga ng Olivier at Tony awards para sa Miss Saigon. Big deal ito para sa ating mga Pinoy na pride-hungry. At isa itong international recognition sa galing ng isang pinoy sa larangan ng performance arts. 10 years old pa lamang ako noon at nasa elementary so wala akong pake sa ganyang awards-awards. Kiber. Hindi ko pa ma-appreciate ang musical stage plays or ang teatro. Mas inaabangan ko pa ang mananalo sa Oscars! I prefer movies over theater.

Hanggang sa years after e nakabili ako ng DVD ng performance movie ng Cats The Musical at Rent sa bangketa. Nagustuhan ko ito. At naghagilap ako ng performance movie rin ng Miss Saigon. Gusto kong malaman kung gaano ba kagaling si Lea Salonga dun kaya siya nanalo. Kaso wala pa daw silang copy nun. Kaya nagtiyaga na lang akong panuorin sa Youtube ‘yung mga video clips ng segments ng Miss Saigon. Paputul-putol lang ang mga recorded clips show sa Youtube, hindi ko pa rin makuha ang kuwento ng buo.

Hanggang sa nagkaroon nga ng Philippine staging ang Miss Saigon some years back with Lea reprising her role as Kim. Siyempre na-excite ako noon until nalaman ko ang presyo ng ticket. Ang mahal, libo! Hindi keri ng lola mo. So never akong nakanood ng kahit isa man lang na live performance nito dito sa Pinas.

So dumating ang 2016 at nabalitaan kong ipalalabas daw ang 25th Anniversary Performance sa piling sinehan sa Metro Manila. At very affordable ang ticket price! Kaya di ko ito pinalampas pa. Kanina ay nanood ako sa SM Megamall with a friend.

Tama ang hype simula nung pagkabata ko. Napakaganda pala nitong musical stage play na ito! Tragic love story siya na punumpuno ng emosyon, nagsusumabog sa tensiyon. Ngayon lang ulit ako nanood sa sinehan na bigla na lang tumulo ang luha ko after ng palabas. Much more siguro kung live staging pa ‘yung napanood ko.

Napakasuwerte ng mga nakanood ng Miss Saigon noong si Lea Salonga pa ang gumaganap na Kim. Nakakainggit kayo!

Kahit hindi na siya ang bagong Kim ay siya pa rin ang nai-imagine kong gumaganap dito.

Pinakapaborito kong eksena e ‘yung flashbacks ng paghihiwalay nina Kim at ni Chris. Ito ‘yung dumating ‘yung helicopter para kunin ‘yung mga sundalo at umandar palayo, leaving Kim behind. Winner!

Nadagdagan na naman ang bucket list ko.

Kailangan kong makanood sa Broadway or sa West End ng re-staging ng Miss Saigon! Kailangan ko itong ma-experience sa buhay ko!

#TheHeatIsOnInSaigon

Thursday, November 3, 2016

TROLLS




Simula nang patayin ni Negan si Glenn Rhee sa The Walking Dead, parang pumusyaw ang mundo ko. Sobra akong na-down. Kaya ang ginawa ko, nag-download ako ng sandamakmak na gay films tapos pinanood ko ulit ang mga pelikulang nagpatawa sa akin like Priscilla Queen of the Desert, The Birdcage at Mrs. Doubtfire para manumbalik ang galak sa puso ko. Pero ganun pa rin ang level of sadness ko, lugmok pa rin.

I tried to watch a horror movie three days ago (OUIJA) para mapagtakpan sana ng takot ang kalungkutan ko pero nadagdagan pa ito ng disappointment kasi para lang akong nanood ng episode ng Oka Tokat. Hindi man lang ako natakot sa movie na ‘yun.

So sabi ko baka superhero movie ang magpapalipad pataas ng self-esteem ko kaya pinanood ko ang Doctor Strange nung isang araw. Pero naalog ang utak ko. Anlakas maka-Inception mashed-up with The Matrix! Nagpanic ang brain cells ko sa pag-iintindi ng plot/story.

Kaya sabi ko baka itong fantasy movie na A Monster Calls ang magpapawala ng nalulumbay kong puso. Punyeta, namatayan ng ina ‘yung bida sa ending. Napaiyak ako sa lungkot ng pelikula. Nadagdagan ang level of anxiety ko sa film na ‘yun.

So naisip ko, ano kayang pelikula ang magpapataob sa depression ko? Sana dumating na bago akong tuluyang mabaliw.

Buti na lang, nang lumabas ako kaninang tanghali ng bahay para kumain ng lunch e nakita ko ang dalawa kong pinsan na balikbayan at nag-invite manood ng sine. Dahil never akong tumanggi sa panonood ng pelikula, sumama ako.

Sa Bonifacio High Street kami pumunta para ma-experience daw nila ang 4DX. Wala ang pelikulang Max Steel doon na gustong mapanood ng pinsan ko kaya Trolls ang pinili namin, gawa ng napanood ko na rin ‘yung Doctor Strange at A Monster Calls na palabas din duon.

Super nag-enjoy ako sa panonood!

Natawa ako at nakisabay sa mga cover ng songs sa musical animated film na ito lalung-lalo na ‘yung kinanta ng mga bida ‘yung Sound of Silence at True Colors! Tawang-tawa ako dun sa mala-Bakekang na character na may Cinderella twist, si Bridget.

Next to Frozen, ito ang pinakanagustuhan kong animated musical.

Imagine, after naming manood, nang papunta ako sa CR para jumingle e nadatnan ko yung takilyera ng sinehan na sumasayaw na mala-Beyonce , sinasabayan ‘yung song sa closing credit ng movie. Natigilan lang nung nakita ako. At nang pumasok naman ako sa CR e nagkakantahan ‘yung mga bata sa loob habang umiihi. Nag-enjoy ang mga moviegoers!

Tungkol ang story ng movie sa mga Trolls, na tumatakas sa mga Bergens, na ang trato sa kanila ay mga pagkain, kinakain sila para maging happy. Sa buhay ko, hindi ko na kailangang kumain ng Trolls, kailangan ko lang pala silang mapanood para masiyahan. Napaka entertaining niya!

Highly-recommended ito sa mga magulang na gustong ma-enjoy di lang ng mga anak nila ang pinanood na movie kundi pati nila mismo.

Para akong nainjectionan ng Extra Joss accentuated with ecstasy after ko ‘tong mapanood.

Imagine, itong mga sarat ang ilong na Trolls lang ang magpapanumbalik ng galak sa puso ko.