Tuesday, June 6, 2017

PSYCHO



30-Day Film Challenge will culminate with

Day 30 - My perfect film:

'PSYCHO'

Nung napanood ko ito nung bata ako, takot na takot ako. Sino ba naman ang makakalimot sa kahindik-hindik na iconic shower / death scene ni Janet Leigh at sa shocking twist sa bandang dulo nito?

At gawa ng horror fanatic ako, binili ko 'to sa pirated dvd nung makita ko 'to nung tumanda na ako.

At mas na-appreciate ko siya lalo.

Naranasan ko na kasi ang maging miyembro ng production at pati ng creative team so meron na akong knowledge sa paggawa ng pelikula.

Kaya masasabi kong 'yung pelikulang ito ay dumaan sa masusing pre-prod meetings at idinirehe to perfection ng isang henyo, ni Alfred Hitchcock. Pulidung-pulido ang pagkakagawa!

Sa lahat ng aspeto, simula sa acting to script to editing to musical scoring to cinematography to over-all direction, timpladong-timplado!

Ahead of its time. Wala pa rin akong nakikitang horror thriller na papantay dito sa ngayon. Kahit ang Halimaw Sa Banga or Tiyanaks ay 'di man lang nakapalag.

Dito yata na-introduce 'yung Dolly Zoom technique ng mga cinematographers pagdating sa suspense na eksena e? Or sa Vertigo ba?

To think, black and white film pa ito ha. What more kung colored pa?

Kaya nga nang magkaroon ito ng remake nung 1998 at claim ng ambisyosong direktor dito e 'it's Psycho in color', epic fail si Gus Van Sant. Hindi niya nabigyang hustisya!

Bakit mo iri-remake ang isang perfect film? At paano?

Kaya din siguro super favorite ko 'tong pelikulang ito e sa kadahilanang i dig horror movies. Most especially, 'yung may timplang psychological thriller at 'yung merong character na serial killer.

At itong pelikulang ito ang pinakamataas na pamantayan ng ganung genre.

At dahil wala akong makitang pagkukulang dito, wala akong maipintas hanggang sa dulo ng pinakamaliit na detalye kaya ito ang perfect film para sa akin.

Monday, June 5, 2017

WHAT DREAMS MAY COME

30-Day Film Challenge

Day 29 - The movie that taught me a valuable lesson

"WHAT DREAMS MAY COME"

The year was 1998... nineteen years ago.
At disi-otso anyos lang ako that time.

Pinanood ko ang pelikula ni Robin Williams na ito sa old Greenbelt Cinemas, Makati. Yung lumang simbahan pa at meron pa ditong nakapaligid na malaking fish pond.

Nakatulog ako sa kapuyatan at hindi ko matanggap na hindi ko siya napanood ng buo.

Uso pa noong panahon na 'yun umulit ng panonood sa loob ng sine.

So ganun nga ang ginawa ko. Nagbabad ako doon after closing credits para ulitin ang movie for free.

Ang nakakatawa, nakatulog ulit ako for the second time hindi dahil sa boring ang movie. Talagang puyat lang ako.

After ilang weeks, nakita ko siya sa pirated DVD. Binili ko ang isang copy at pinanood ko ulit.

This time, nasilayan ko na ito ng buo.

At iniyakan ko ito.

Nagbago ang tingin ko sa death after watching this movie.

I realized na dapat e ipakita at ipadama mo sa taong mahal mo ang pagmamahal mo sa kanya habang kayo'y nabubuhay pa. Mas mahirap itong gawin after niyong mamatay kasi ikaw, puwedeng sa langit mapunta, siya naman e sa impiyerno. So mas hassle ang journey mo kung susuyurin mo siya sa impiyerno para iakyat papuntang langit. Tulad ng nangyari sa dalawang characters sa pelikulang ito.

Parehong mahusay ang pag-arte na ipinamalas nina Robin Williams at lead actress niyang si Annabella Sciorra dito. Na-snubbed ng Oscars itong movie na ito in terms of acting categories. Pero nanalo naman itong Best Visual effects noong 1999.

Base ito sa novel ni Richard Matheson, ang sumulat din ng paborito kong ghost story, ang Stir of Echoes at ng I Am Legend.

Ito ang pangalawa sa pinakapaborito kong movie ni Robin after "MRS. DOUBTFIRE".

Sunday, June 4, 2017

WHATEVER HAPPENED TO BABY JANE?



30-Day Film Challenge:

Day 27 - A movie that no one would expect me to love

"WHATEVER HAPPENED TO BABY JANE?"

It's a black and white film, released in 1962. Nakita ko 'to sa isang blog some years back, kasama sa listahan ng Top 10 Psychological Thriller Movies ng blogger. So sinearched ko siya sa google. Nung nabasa ko 'yung positive movie reviews niya, nilagay ko na siya sa watchlist ko. Kesehodang black and white pa siya. E yung favorite horror film ko ngang PSYCHO e in black and white din tapos mas ahead pa ng two years ipinalabas kesa sa kanya. So kahit luma na, basta maganda, maganda talaga.

Lately ko lang siya na-download online at napanood, sa suggestion ng FB friend kong movie buff din.

One month after, pinalabas na ang FEUD, ang mini-series kung saan based sa dalawang artistang bida dito ang kuwento (Bette Davis at Joan Crawford), kung ano ang naganap before, during at after the production of this film.

Akalain mo 'yun, meron palang namumuong rivalry sa dalawang artistang bida sa psycho thriller movie na 'to. Parang pinagsama mo sina Nora Aunor at Vilma Santos sa Huwag Mong Buhayin Ang Bangkay! Pukpukan!

Hindi siya kasingganda ng PSYCHO pero nagustuhan ko 'yung story at performance ni Bette Davis. Mukhang 'yung pagganap niya dito ang naging template ng mga hollywood actress when it comes to baliw-baliwan acting (Glenn Close in Fatal Attraction, Piper Laurie in Carrie, etc.)

Dito ko rin narinig 'yung isa sa pinakapaborito kong linya na sinabi ng isang artista sa pelikula:

"You can lose everything else, but, you can't lose your talent."

At sinabi 'yan ng isang maluwag ang turnilyo sa utak na karakter sa pelikula.

Saturday, June 3, 2017

THE PRINCE OF EGYPT



30-Day Film Challenge

Day 26 – My most favorite animated movie

“THE PRINCE OF EGYPT”

Hindi ako relihiyosong tao kaya hindi ako fascinated sa mga biblical stories. Pero itong animated version ng kuwento ni Moses sa Book of Exodus sa bible e sobra kong nagustuhan. Nangilabot ako nang magsimulang kantahin ni Tziporrah ‘yung theme song nito sa movie. At napaluha ako nang mahati ang dagat! Parang nandun mismo ako at nasaksihan ko ‘yun sa aking harapan. Para akong nasapian ni Elsa at napaniwala talaga sa Himala!

Idagdag mo pa diyan ang pamatay na theme song na When You Believe na merong pop version sina Whitney Houston at Mariah Carey.

EPIC.

Friday, June 2, 2017

WONDER WOMAN (2017)


Kapag batang bakla nung 80s – 90s, dalawa lang ang gusto mong maging superhero, sina Darna at Wonder Woman. Kaya nga sa mga Halloween Parties, sa mga Miss Gay contests, comedy bars at lalung-lalo na sa mga cosplayer conventions e di nawawala ang baklang naka-Darna or naka-Wonder Woman costume. Bakit? Kasi relate na relate kami sa kanila, feel na feel ng mga bek-bek na tulad sila ng dalawang superheroine, kahit babaeng-babae (may magandang mukha at balingkinitang katawan) e kasinglakas naman sila ni Superman. At nakikita nila sa mga ito ang pantasya na makapagsuot ng bra at panty sa publiko na katanggap-tanggap sa tao. Idagdag mo pa na namumulaklak ang love story ng mga ito.

Kaya nga nang mabalitaan ko na magkakaroon ng movie version ang Wonder Woman years ago e na-excite ako. With advanced CGI technology ngayon, alam ko, mapapaganda nila ito.
Sinubaybayan ko ang lahat ng lumabas na updates about Wonder Woman. I was rooting for Megan Fox to take the role. Or kaya, si Beyonce para magkaroon ng kauna-unahang black Wonder Woman. Epic yun!

Kaya nang in-announced na na si Gal Gadot ang naka-bag ng role, ang tanong ko (at ng halos lahat), DA WHO? CYNTHIA?

Pero alam ko, kahit sino naman siguro ang magsuot ng costume ni WW e siguradong mababagayan nito e. Karakter ang bibihis sa’yo, so kiber na sa pangalan ng artista.

So ang taon ng paghihintay ay naging buwan… weeks… araw. Until today. First day of showing ng Wonder Woman first movie ever!

Excited akong gumising ng umaga kanina sa sobrang excitement. Pero later tonight ko pa talagang balak panoorin ito kasi nga may Maynila creative meeting kami sa Trinoma kanina ng 1 pm.
Sa meeting, binigyan ako ng writing assignment ng aming headwriter at sa sabado na ang deadline. Ang title: Wonder Mom. Bagay na bagay sa araw na ito.

By 5 pm, e natapos din ang meeting at ni-release na kami ng aming headwriter. So I texted my beki friend kung gusto ba niyang manood ng WW. Puwede daw siya. He suggested na sa Cash And Carry na lang daw kami manood ng 9:30 pm, last full show. So umagree ako. I went back home and sleep for a while. Nang magising ako ng 8 pm e biglang sumakit ‘yung ulo ko so tinext ko si beki friend na di na ako tutuloy manood, siya na lang.

I went back to sleep. Nagising ako ng 10 pm at nawala na ‘yung sakit ng ulo ko pero hindi ako mapakali. Napaisip ako, mukhang hindi ko yata mapapatawad ang sarili ko kapag napalampas ko ang first showing day ng WW at hindi ko ito napanood sa sinehan! Alam kong I need to see the movie bago man lang ako magkulong ng bahay at magsulat ng script for two days!

I need an energy booster!

Kailangan kong makanood ng magandang pelikula.

Kailangan kong maisakatuparan ang isang task.

Kailangan kong mapanood ang Wonder Woman sa unang araw nito. By hook or by crook!
Chineck ko sa Click The City ang merong pa-midnight screening nito na malapit sa Guadalupe. At presto, merong 11:30 pm sched ang Venice Grand Canal Mall diyan sa Mckinley Hill, BGC. Super lapit lang sa place namin.

In just five minutes e nakagayak na ako at kumuha ng Uber Car. Kasingbilis ni Wonder Woman with her invisible jet.

Yung nakuha kong Uber Driver, bopols sa road directions at umaasa lang sa Waze kaya bukod sa paikot-ikot kami ng BGC e naligaw pa kami. Biglang papuntang Pasig na yung tinatahak niyang daan! E 11 pm na nun, so lumakas ‘yung tagos ng regla ko sa sobrang kaba at pagkairita.

Mukhang ‘di ko na yata mahahabol ‘yung 11:30 pm screening. Oh no, i kennat!

Salamat sa mga road signs at natunton namin pabalik ang McKinley Hill. By 11:15 pm e nasa loob na ako ng mall at lumilipad sa pagtakbo. Oo, naging Elma Muros ang mga binti kong na-semi paralyzed para lang makaabot sa oras.

I’m very fortunate na nakapili pa ako ng eye-level seat. At… hindi crowded sa loob ng sinehan.
So I was there in time at nasimulan ko siya.

PASABOG SI WONDER WOMAN!

(Spoiler Alert)

Very satisfying itong movie version niya. Kung ano ‘yung expectations ko noon, nakamit niya at nalagpasan pa!

Ito ‘yung hinihintay kong superhero movie na magpapanginig ng binti ko sa sobrang excitement.

Hindi siya tulad ng mga super hero movies ngayon na nagsisimula ang kuwento sa pagputok ng problema sa story, itong Wonder Woman e inilahad muna ang pinanggalingan niya at bago, unti unti, ang problemang kanyang haharapin. So dahil pinakilala muna sa atin si Wonder Woman, kakapitan mo talaga kaagad siya at hindi mo bibitawan. Kasama ka sa journey niya. Very old school take ng superhero movie like Superman kaya relax ang utak mo sa panonood.

And to quote my beki friend, may puso siya!

Ang pinakagusto ko ditong eksena ay nung ipinakita na si Wonder Woman in her costume sa full shot. At, take note, sinasalubong niya ang mga bala ng kalaban sa gitna ng digmaan sa kagubatan. Sinasalag talaga niya ang bawat bala na pinapuputok sa kanya!

Napataas ang puwet ko sa upuan nang buhatin niya ‘yung tangke! Ang taray ni Ninang! Parful!
So ito na ang bago kong favorite superhero movie sa ngayon.

Napansin ko lang, naglalaro ang mukha ni Gal Gadot kina Natalie Portman at Keira Knightley. Na chuma-Chanda Romero pag mukhang haggard.

Pero bagay na bagay sa kanya ‘yung costume. Tindig-Wonder Woman talaga. Parang buhay na komiks!

Feeling ko, sa part 2 nito e magkakaanak si Wonder Woman kasi na-one time/bigtime siya dito ni Chris Pine e. Makiri din ang bruha. Hindi na virgin si Wonder Woman! Ayan, inispoil ko na.
Pag-roll ng credits, napapalakpak talaga ako sa pelikula! I was very entertained. Enjoyed it a lot. At feeling ko, nag-uumapaw na ang energy level ko para magsulat kinabukasan.

Kalalabas ko lang ng cinema nang chineck ko ‘yung cellphone ko at mabasa ko ‘yung PM sa akin ng friend ko about the terrorist attack at Resorts World Manila. Bigla akong na-disorient. Biglang baba ng energy level ko. Back to zero.

So dumaan muna ako sa Mcdonalds para magpa-takeout at baka ginutom lang ako sa sad news na iyon.

Napaisip ako, kung sa pelikula, si Wonder Woman e peace warrior at ayaw na ayaw sa giyera at violence kaya niya tinutuligsa ang mga taong may pakana nito, sino ang magwa-Wonder Woman sa tunay na buhay? Sana e meron talagang Wonder Woman para meron na rin tayong proteksiyon sa mga terorista.

BOY SA CASHIER: Ano pong order nila, Sir?

AKO: Isang Champ. Solo. Takeout.

BOY SA CASHIER: Wala po kaming Champ.

AKO (nag-init ang ulo ko, itinuro ang malaking burger sa display): E ano tawag mo dun?

BOY SA CASHIER: Big Mac po.

AKO (napahiya): ‘Yun nga. Pabibo ka rin e noh.

Hindi ko alam kung nataranta ba ako sa sobrang ganda ng Wonder Woman or sa terrorist news sa Resorts World.

Thursday, June 1, 2017

DATE WITH AN ANGEL

30-Day Film Challenge

Day 25 - My most favorite romantic movie

"DATE WITH AN ANGEL"

Napanood ko ‘to nung elementary days ko sa Million Dollar Movies noon sa ABS-CBN. Dito ako nagsimulang maniwala sa mga anghel. Nagkaroon ako ng first girl-crush dahil sa bidang babae dito, si Emmanuelle BĂ©art, ‘yung French actress na gumanap na angel. Pagka-ganda-gandang nilalang! Napaka-inosente ng mukha. Sarap tsinelasin sa noo.

Super cute ng story nito. At sa mura kong edad e nakaranas akong kiligin!

Ito ang pelikulang nag-devirginized sa akin sa mundo ng romantic comedy kaya nag-iwan ito sa akin ng marka. To the point na nangarap din akong maging anghel na kasing-ganda ni Emmanuelle Beart.

Nakita ko ‘to sa pirated blu-ray years back at excited kong binili. Inuulit-ulit ko panoorin kapag gusto ko ulit ma-inlove.

Kung makakapagsulat man ako ng pelikulang mainstream at ipo-produce ng Regal Films, Viva Films or Star Cinema, ito ang pelikulang ipe-peg ko. May elements ng comedy, fantasy at love story. Perfect!

Up to now, wala pa rin akong makitang papantay dito na romantic fantasy bukod sa Gagay: Prinsesa Ng Brownout.