Saturday, May 26, 2018

CITIZEN JAKE


Walang SO CONNECTED sa SM North. So lumipat ako sa TRINOMA, waley rin. First day, last day sa selected moviehouses?

I ended up watching CITIZEN JAKE instead.

Sulit ang paghihintay sa pagbabalik-pelikula ni Mike De Leon.

Bakulaw! Ang linis ng pelikula.

Drama ito tungkol sa isang journalist/blogger na inabandona noon ng kanilang ina at lumaking hindi sumasang-ayon sa amang Senador (na dating kaibigan ni Marcos) at ng kapatid niyang Congressman (na may selos sa kanya).

Basically, kuwento siya ng isang dysfunctional political family at mas pinatindi ang tensyon ng murder-mystery subplot.

Kung paano naka-apekto ang political views niya sa pagkatao at sa relasyon niya sa  nobya’t kaibigan. Diyan umikot ang kuwento.  

Nagustuhan ko dito ‘yung konsepto ng ‘paano kung bilang isang pulitiko, ang no. 1 na detractor mo e kapamilya mo?’. Hanggang saan ang immunity niya? Ipagkakait mo ba sa kanya ang kapangyarihang maging ‘untouchable’ sa lipunan?  

Para kang nanood ng DVD commentary ng isang anti-government film kung saan napasadahan ang Martial Law, mga di kaaya-ayang ganap noong Marcos regime at ng kalechehan ng present administration. Para siyang isang political essay na magle-lecture sa’yo ng aftermath ng Marcos years sa isang political family na konektado sa kanila.    

Para siyang poetry in motion na tipong sinulat ng revolutionary poet na si Romulo Sandoval. Punumpuno ng angst.

Napakala-elegante ng pelikula! Mamahalin!

Ang mga characters sa kuwento, nagbabatuhan ng mga pang-intelihenteng dialogue.

Mayaman ito sa insights tungkol sa pulitika, prinsipyo, corruption, family, friendship at relationship.

Nakakasurpresa si Atom Araullo, napakahusay! Kung kakarerin lang niya ang pag-arte (na I’m sure, ito na ang una’t huli niyang pagtanggap ng acting role), maaaari siyang pumalit kay Joel Torre o Tommy Abuel. Kung isa lang akong actor, I would kill for Atom’s role. To-die-for ang role ni Kuya dito!

Ganundin si Max Collins, puwede siyang lumevel kay Iza Calzado sa aktingan. Pag magaling talaga ang director, ang starlet, nagiging aktres.   

Kung taga-production ka, isa itong pelikulang gugustuhin mong maikabit ang pangalan mo. Maipagmamalaki mo na kabilang ka sa produksiyon nito.

Latak man siya ng mga anti-Marcos films noon pero ang tema e hindi naluluma. Ganun pa rin ang mga kagaguhan sa gobyerno, pulitika at lipunan.

Maganda is an understatement. Mas akma ang salitang “makabuluhan” ang pelikulang ito.        

Kung hindi rin lang si Mike De Leon ang nag-helm nito, lalabas na pretentious ang pelikula.

CITIZEN JAKE is not a movie. It’s a film.

This is cinema.

Sana suportahan natin ang ganitong klaseng pinoy film.

Verdict:

Limang banga at isang masigabong palakpakan.

Thursday, May 24, 2018

WITH HONORS

Napanood ko na yata ang pinaka-sensible na pelikulang na-encounter ko sa buhay ko...

Isang pelikula na nag-iwan sa akin ng malinaw na depinisyon ng salitang karangalan without being preachy. Idinaan sa ganda ng pagkakasulat ng characters at story.

WITH HONORS

May sense ang bawat characters. 
May sense ang story. 
May sense ang punto at mensahe ng movie. 
Punumpuno ng sense ang pelikula!

Bakit ngayon ko lang ito napanood?

At bakit ayon sa IMDB e hindi man lang ito na-nominate sa Oscars noong 1995?

Bakit hindi rin ito nag-uwi ng kahit na isang award man lang from any award-giving bodies?

Na-snubbed ito!

Nakakainis.

Best Picture material ito e. Napakaganda ng script.

Depiction ito ng tunay na buhay. Kupal. Mabangis. Walang patawad. Unfair. Makatotohanan. Matapat. Tulad ng karakter ni Joe Pesci. Walang pagkukunwari. Direct-to-the-point. Prangka.

Pero may puso at may sense. Parang 'yung pelikula mismo. May puso at may sense.

Malinaw na itinuro ng pelikula ang tunay na kahulugan ng dangal o karangalan.

Naiyak ako sa ganda at tuwa sa panonood nito. Lalong-lalo na nang magplay na ang theme song ng pelikula pag-roll ng end credits, ang I'll Remember ni Madonna. Nakakatindig-balahibo. 90s Nostalgia.

Pinakagusto ko ditong dialogue e 'yung sinabi ni Joe Pesci kay Jeffrey, 'yung kaisa-isang flatmate niya na ayaw sa kanya:

"You know why you hate me so much, Jeffrey? Because i look the way you feel."

Parang 'yan din ang gusto kong sabihin sa mga taong ayaw sa pagkatao ko.

Limang banga at isang split para sa makatuturang pelikulang ito.

Saturday, May 19, 2018

KASAL


Next to Claudine Barretto, the actress that I admire the most na hindi nalalayo sa edad ko e si Bea Alonzo.

Simula nang mapanood ko siya sa The Mistress at nagalingan ako sa kanya, pinanood ko lahat ng mga past movies niya. At kapag may palabas siyang pelikula sa sinehan, pinipilahan ko talaga ito sa silverscreen. Kasi, hindi lang siya isang TV star, isa siyang Movie Queen! Siya ‘yung artistang kapag nagmo-moment sa eksena e hindi mo talaga bibitawan at mas prefer mong mapanood sa big screen kasi dun siya nababagay. Kahit nakikita mo siya araw-araw sa teleserye ng Kapamilya  sa telebisyon,  gugustuhin mo pa rin siyang mapanood sa sinehan. Bakit? Kasi alam mong may ibubuga pa siya at may ipapakita pa siyang mas bongga.

Kaya nang makita ko ang trailer nitong KASAL sa sinehan weeks ago, na-excite ako. I know, meron akong mapapanood na bonggang pelikula from Star Cinema.

At hindi nga ako nagkamali.

Here’s my take on Star Cinema’s Kasal…

(SPOILER ALERT)

Kuwento ito ng isang teacher (Bea Alonzo) na nakatakdang ikasal sa isang pulitiko (Paolo Avelino) kasabay nang pagtakbo ng binata bilang Mayor ng Cebu. In order for Paolo to lead the opinion polls, Bea suggested na ipagawa nila ang isang sirang bridge na matagal nang perwisyo sa mga residente doon. May significant past ang bridge kay Bea dahil dito siya unang nakatanggap ng marriage proposal sa ex-boyfriend niya noon (Derek Ramsey). Pumayag ang campaign manager ni Paolo (ang mega starlet na si Cris Villonco) sa suhestiyon ni Bea. Naghanap sila ng engineer na papayag na matapos ang proyekto sa anim na buwan. At ang nakuha nila ay si Derek.

Tanong ng bayan: Matutuloy pa ba ang kasal nina Bea at Paolo gayong nagbabalik si Derek at nakahandang i-win back ang dalaga?

Kung inaakala mong ganun lang ka-simple ang plot, nagkakamali ka. Kasi may mga susulpot na mga interesting characters (tulad ni Ricky Davao sa isang papel na nabigyan niya ng hustisya at ang bitchesang si Kylie Versoza). Oo, hindi na uso si Maricar Reyes. Si Kylie na ang bagong kontrabidang ex/third-party ng Star Cinema.

But wait, there’s more… may pa-twister fries sa character ni Paolo na siguradong ikawiwindang mo. Oo, lulunukin mo ang isang bucket ng popcorn sa pa-revelation ng character niya. (Panoorin mo, baks!)

Bea Alonzo material ito. Perfect siya sa role. (huwag nang ipilit na mas bagay ito kay Barbie Imperial, parang awa mo na). May hustisya! Nag-shine siya sa mga dramatic highlights ng movie. Mapapapalakpak ka sa pagmumura ni Ate sa isang eksena!

May nabasa akong post ng isang movie reviewer dito sa FB kahapon na nagsasabing marami daw gustong puntahan ang kuwento. Marami daw gustong sabihin kaya binigyan niya ito ng negative rating.

Buti na lang at di ako naniwala sa kanya.

Kasi KASAL, for me, is a decent romantic drama, isang department na aminado akong mahina ako. Sumasakit ang ulo ko kapag ‘yan ang writing assignment ko. Dinudugo ang utak ko sa pagsusulat ng drama.   

Kaya nabilib ako sa writers nito. Saludo ako sa kanila.

Nagandahan ako sa pagkakasulat ng kuwento. Mula sa pulidong characters, backstory, at mga subplots na natahi nang ubod pino. Napakalinis ng script! Walang mga fillers lang. walang basurang eksena. Walang tapong tauhan.

The movie delivers.

Kung marami mang tinackle ang KASAL, about sexuality, acceptance, love, choices, politics… napanindigan ito ng pelikula.

Kung ano man ang pinakanagustuhan ko dito, aside sa napakagandang pagkakagamit ng bridge bilang metaphor sa istorya, ito ay ang mensahe ng pelikulang Love is a choice. You have the freedom na piliin kung sino ang gusto mong mahalin.

Nakadepende pa rin sa’yo bilang tao (sa moral judgment mo) kung magugustuhan mo at matatanggap ang punto o ang ending ng pelikula. Pero kung malawak ang pang-unawa mo sa mga bagay-bagay, watch this. Ma-appreciate mo siya.

Dahil sa pasilip ng puwet ni Paolo Avelino sa shower scene, ito ang verdict ko…

Rating: Apat na banga.


Wednesday, May 2, 2018

LOST IN SPACE


Nung mapanood ko ang trailer nitong LOST IN SPACE Netfflix TV series months ago, na-excite ako at automatic, napunta siya sa watchlist ko. Sa tulad ko kasing alien believer at sci-fi freak, havey sa akin ang concept nito: Isang pamilya na lulan ng spacecraft papauntang ibang mundo upang i-colonize ang ibang planeta. Na-fucked up ang kanilang paglalakabay at napunta sa isang dying planet. Paano sila makaka-survive?

Re-imagining ito ng 1965 American TV series na hindi ko na naabutan noon. Meaning, mas updated ang story at mas maganda ang CGI effects nitong 2018 version. So I was expecting na mas bongga itong bagong adaptation.

Pero I was quite disappointed.

Yung pilot episode niya, mahina. Walang kagat. Walang pasabog. Di tulad ng LOST TV series noong 2010 na pilot pa lang, glued na ako sa series.

Oo nga, impressive na ang CGI effects pero may kulang. Di ko ma-figure sa umpisa kung ano kaya pinagtiyagaan ko ito. Pinagbigyan ko siya until sa 4th episode pumik-ap na siya sa akin.

Ito ay nang kapitan ko ang character ng schemerang si Dr. smith (played by Parker Posey), isang shady character who turned out to be a con artist na aksidente nilang nakasama sa voyage. Of all the goody characters, sa bitchesang kupal na ‘to pa ako na-hooked. Kasi mas interesting malaman ang backstory niya at kung ano pa ang masamang binabalak niya sa future episodes. Kaabang-abang ‘yung evil schemes ng punyetang babaeng ‘to.

Siya lang ang dahilan kaya pinagtiyagaan kong matapos itong Season 1. Kung wala siguro siya, matutulad ito sa mga series na hanggang season 1 lang ang itinagal ko (like Stranger Things, Orphan Black, Bates Hotel, etc). Ito ‘yung mga series na natabangan ako kaya binitawan ko na.

Ito kasing LOST IN SPACE, tanggalin mo lang ang sci-fi element at gawin mong ibang country ‘yung backdrop instead na outer space/ibang planeta e isa lamang itong family/adventure movie. Oo isa siyang Disney movie about sa pamilya na may problema ang mag-asawa at ganundin sa kanilang relasyon sa mga anak na ang paglilipat nila sa ibang bansa ang nakikita nilang magiging solusyon upang marestart muli sila. Kaso nagkaroon ng aberya sa paglilipat nila at nadisgrasya ang sinasakyan nilang eroplano at napunta sila sa isang isla. Kung paano sila makaka-survive at makakaalis sa isla ang aantabayanan mo kada episode. Sounds familiar ba? Para siyang nawawalang episode ng LOST 2010 TV series.  

Ganun siya kalabnaw. Content-wise, mababaw siya.

Kung tutuusin, ‘yung isang buong series e kakayaning ma-condensed sa isang episode na tatakbong Pilot or isang TV movie. Ini-stretched lang nila sa sampung episodes. Pinakapal.

Ganunpaman, ma-appreciate ito ng pamilya na mahilig sa Family Adventure movies at sa mga batang mahilig sa sci-fi/fantasy kasi may robot at alien creatures dito. Pambata siyang version ng PROMETHEUS.

Though entertaining pa rin siya, pero kung faney ka ng LOST 2010 TV series at ng BLACK MIRROR anthology, madi-disappoint ka dito. Hindi aalog ang utak mo. Walang ka-effort-effort na pag-isipan kung ano ang payoff ng cliffhanger ng episode sa susunod na kabanata. Mahuhulaan mo kaagad siya. Madali mo siyang masusundan.

Chopseuy ito ng sci-fi movies. Parang latak siya ng ALIENS, THE MARTIAN, STAR TREK at MAC & ME na ginawang isang bagong putahe. Binigyan mo ng bagong bihis ang isang lumang treatment. Ganun siya.

Walang bago.  

Tuesday, May 1, 2018

LOVE, SIMON

Just got home from watching LOVE, SIMON.

Natuwa ako sa napanood ko.

Isa itong light romantic, millennial, coming out teenage movie na ka-feels ng 80’s flick na SOME KIND OF WONDERFUL. Gay version ito nun. Luma-LOVE OF SIAM siya ng Thailand, only lighter.

Kuwento ng isang klosetang millennial na na-in love sa online friend rin niyang may kaparehong dilemma sa pamilya, mga kaibigan at lipunan. Yes, mga pamintang buo sila o ‘yung mga baklang hindi lantad (nagtatago) mga kilos lalaki pero pusong mannequin na natatakot na lumantad sa publiko ng kanilang tunay na pagkatao sa takot na baka hindi sila makatanggap ng kaaya-ayang treatment mula rito.

Life-affirming siya. Booster siya ng confidence para sa mga kapatid na nagbabalak nang mag-come out of the closet. Malinaw ang mensahe ng pelikula. Acceptance mula sa pamilya ang kailangan ng isang klosetang bakla, and everything will follow smoothly. Mas may baon na siyang tapang para sa mga hamon ng mapanghusgang lipunan.

Meron din siyang kilig factor.

Nirerekomenda ko ito sa mga paminta kong kaibigan, mga baklang hindi pa nakakapag-come-out at sa mga magulang na nakakaamoy at may suspetsang bakla ang anak nila.

Hindi ito kasingganda ng THE PERKS OF BEING A WALLFLOWER. Wala pa ring makakatalo dun. Pero LOVE, SIMON is a sweet, uplifting tale of friendship on the verge of coming out (Gusto niyo ‘yun?!).

Basta, kung isa kang klosetang bakla, na gustong makanood ng pelikulang makaka-enlighten ng mga agam-agam sa magulo mong utak, panoorin mo ‘to. Lalabas ka sa sinehang relax at may ngiti sa iyong labi. Siguaradong makakarelate ka sa pinagdadaanang ka-shit-an dito ng bida. Ikaw na ikaw ‘to, mare! Pelikula mo ito!

Ultimate “coming out” movie. 😊